Sundalong nagboluntaryong manguna sa patrol kontra sa Maute-ISIS terrorists, napatay sa engkwentro sa Maguindanao

Napatay ang isang sundalo sa engkwentro sa Maute-ISIS terrorists sa General Salipada K. Pendatun sa Maguindanao kahapon, Hunyo 11.

Kinilala ni Lt Col Harold Cabunoc, Commanding Officer of the 33rd Infantry (Makabayan) Battalion ang magiting na sundalo na si PFC Garry Quitor, 27 anyos na tubong Pigcawayan, North Cotabato.

Ayon kay Cabunoc, si PFC Quitor ay nagboluntaryo na maging pointman at manguna sa patrol ng Alpha Company, 33rd Infantry Battalion sa pagtugis ng mga terorista sa Maguindanao.

Ayon sa militar, target ng kanilang operasyon ang nagtatagong terorista sa lugar na si Salahuddin Hassan alyas Orak at ilan pang foreign jihadists.

Kasalukuyang tina-track down ng militar ang terrorist leader na pinaniniwalaang nasugatan sa engkwentro.

Ipinaabot ni Brigadier General Cirilito Sobejana, Commander ng 6th Infantry Division, ang kanyang pakikidalamhati sa pamilya ni Quitor kasabay ng pagpapahayag ng kalungkutan sa pagkawala ng isang magiting na mandirigma. | ulat ni Leo Sarne