Sumukong crime convicts dahil sa GCTA, mahigit isang libo na

Pumalo na sa mahigit isang libong heinous crime convicts na maagang napalaya dahil sa expanded Good Conduct Time Allowance (GCTA) law ang sumuko.

Ayon kay Justice Undersecretary Mark Perete, kabuuang 1,025 ang bilang ng mga surrenderer as of 2pm kahapon.

Ngayong araw, magbibigay raw sila ng bagong listahan sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na magsisilbi nitong gabay sa muling pag-aresto sa mga “persons deprived of liberty” (PDL) na hindi tatalima sa itinakdang panahon para sila ay kusang sumuko.

Mamayang gabi, 11:59pm, ay magtatapos na ang 15-day period na ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte para kusang sumuko ang mga PDL na maagang napalaya dahil sa maling aplikasyon ng expanded GCTA.

Paliwanag ni Perete, lalamanin ng cleaned-up list ang detalye kaugnay sa PDL, kasama na ang krimen na kanilang nagawa, ang kanilang last known address, pati na ang kanilang litrato para maiwasan ang mistaken identity sa gagawing pag-aresto.

Hindi na rin daw isasama sa listahan ang mga sumuko na.

Ayon sa Bureau of Corrections (BuCor), nasa 1,914 heinous crime convicts ang napalaya mula 2014 dahil sa expanded GCTA law.