“Summer offensive” laban sa NPA, ipinag-utos ni PNP Chief

Inihayag ni PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa na samantalahin ng PNP ang magandang “summer weather” para makapaglunsad ng tactical offensive laban sa NPA.

Ito ang inihayag ng PNP chief sa isang press conference sa Camp Crame kung saan kasabay niyang pinaalalahanan ang mga police stations nationwide na paigtingin ang kanilang depensa sa posibleng pag-atake ng mga teroristang komunista.

Ayon sa PNP chief, base sa historical data ay umaatake ang NPA sa mga isolated police at military stations sa araw ng kanilang anibersaryo sa darating na March 29.

Pero aniya, dahil sa alam ng NPA na inaasahan na ito ng PNP at militar, ay maaring isagawa nila ang kanilang pag-atake bago pa man sumapit ang kanilang anibersaryo o pagkatapos na nito.

Inatasan ni Dela Rosa ang mga PNP Regional Directors na unahan na ang NPA sa pamamagitan ng tactical offensive ngayong summer, at doblehin ang kanilang trabaho kontra sa NPA sa pamamagitan ng pag-mobilize ng kani-kanilang mga barangay information networks.

Partikular aniyang tatargetin ng opensiba ng PNP ang mga NPA criminals na wanted ng batas para sa kanilang mga krimen. | via Leo Sarne