Sumbong na overpriced na pasahe ng ilang PUJ, minu-monitor ng LTFRB

Personal na sumakay ng pampasaherong jeepney si LTFRB Board Member Atty. Aileen Lizada para tiyaking tama ang paniningil ng pamasahe ng mga PUJ driver.

Bunsod ito ng mga sumbong na natatanggap ng LTFRB na may mga tsuper ng jeepney ang naniningil ng labis na pasahe sa mga pasahero.

Mula Cubao hanggang SM Fairview palihim na sumakay ng PUJ si Atty. Lizada pero tama lang ang P30 pesos na pasahe na siningil ng driver.

Batay sa fare matrix, P30 pesos ang pamasahe para sa layong 19 kilometers.

May reklamo kasi na kahit malapit lang ang bababaan ng pasahero, halimbawa sa Sandiganbayan na dapat ay P18 pesos lang ang pasahe ay P30 pesos pa rin ang singil ng mga tsuper na ang katwiran ay nakapila sila kaya’t point to point ang singil na pasahe.

Hindi naman lumalabag ang mga tsuper sa pagbibigay ng diskwento sa mga estudyante.

Ang ginawang pagmamanman ni Atty. Lizada sa mga PUJ ay gagamiting batayan ng LTFRB sa pag-apruba sa fare hike petition ng mga PUJ. | ulat ni Rey Ferrer