Suicide bombing tulad sa Indonesia, posibleng susunod na istratehiya ng Maute-ISIS

Posibleng maging susunod na istratehiya ng Maute-ISIS ang suicide bombings tulad ng ginawa ng mga pamilya ng religious fanatics sa Indonesia.

Ito ang sinabi ni Philippine Army Chief Lt. General Rolando Bautista kasabay ng pagbubunyag na may mga ISIS-sleeper cells sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.

Ayon kay Bautista, matapos ang liberation ng Marawi, nagkawatak-watak na ang pwersa ng Maute-ISIS at mahihirapan aniya silang ulitin ang isang Marawi-style attack.

Bagama’t inamin ni Bautista na aktibo sa pagri-recruit ang mga natitirang lider ng Maute-ISIS, kakailanganin nila ang 3 hanggang 5 taon bago makapagbuo ng pwersa na kasinlaki ng nag-take over sa Marawi.

Aniya, ang nakikita ng militar sa ngayon ay kung magsasagawa man ng pag-atake ang mga ISIS-influenced groups, ito ay sa pamamagitan ng mga lone-wolf attack na maaaring sabay-sabay ilunsad ng ISIS-sleep cells na nakakalat sa buong bansa.

Pagkatapos ng Marawi siege, natuklasan ng militar ang ISIS sleeper cells sa Baguio, Dagupan, Tarlac, Pangasinan, Samar, Cebu, bukod pa sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao.

Posible aniyang magsanay at mag-indoctrinate ang mga ito ng mga tao na magsasagawa ng suicide bombings tulad ng ginawa ng mga pamilya ng panatiko sa government facilities sa Indonesia kamakailan lang. | via Leo Sarne