Suicide bombing sa Sulu, hindi basehan para palawigin ang Martial Law sa Mindanao

Masyado pang maaga para maging basehan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nangyaring suicide bombing sa Indanan, Sulu kamakalawa, para irekomenda ang pagpapalawig ng umiiral na martial law sa Mindanao.

Ito ay ayon kay AFP Spokesperson Brig. Gen. Edgard Arevalo.

Aniya, ang mahalaga sa ngayon ay mas maghigpit pa na pagpapatupad ng seguridad ng militar at pulisya sa Mindanao upang hindi malusutan ng mga terorista.

Giit ni Arevalo, ang mga local government unit (LGU) sa Mindanao ang makakatukoy kung dapat na bang alisin o palawigin ang martial law sa kanilang lugar.

Aniya, ang pagtaya ng mga LGU sa sitwasyon sa kanilang lugar at sariling security assessment ng militar sa Mindanao ang pagbabatayan ng kanilang rekomendasyon sa Pangulo sa pagpapalawig o hindi ng martial law sa ilang mga lugar sa Mindanao.

Batay sa intelligence monitoring ng militar, may dalawa pang suicide bomber ang nagpapaplanong magsagawa ng pagsabog na pinaghahanap ngayon ng militar.