Sugatan at napatay na politiko sa pananambang sa taong ito, umabot na sa 18

Labing-walo na ang mga sugatan at napatay na mga politiko sa taong ito dahil sa pananambang.

Ito ang iniulat ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson CSupt. Benigno Durana batay sa datos na iprinisinta sa isinagawang pagpupulong ng PNP Special Task Force 2019 Midterm Elections.

Sinabi ni Durana na ang mga biktima ay binubuo ng apat na barangay captain, isang barangay councilor, isang city board member, limang alkalde, apat na municipal mayor at tatlong vice-mayor, mula Enero hanggang Nobyembre ng taong ito.

Ayon kay Durana, hindi pa nakaka-aalarma ang bilang na ito, pero itinuturing itong security concern ng PNP.

Tinukoy ni Durana na tradisyunal na tumataas ang bilang ng mga shooting incidents kung saan mga politiko ang biktima, tuwing sumasapit ang halalan.

Kaya naman aniya puspusan ang paghahabol ng PNP sa mga private armed groups upang masiguro na magiging mapayapa at maayos ang darating na 2019 Midterm Elections.  | ulat ni Leo Sarne