Subpoena kay Mayor Baldo at 6 pang suspek sa pagpaslang kay Rep. Batocabe, inihain na

Inihain na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Albay ang subpoena para kay Daraga Mayor Carlwyn Baldo at anim na ibang suspek sa kaso ng pagpaslang kay AKO Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe.

Kinumpirma ni Police Chief Inspector Rolly Pavia ng CIDG Albay, na inihain ng kanyang tanggapan ang subpoena para kay Daraga Mayor Carlwyn Baldo at anim na iba pang akusado sa pagpaslang kay Rep. Batocabe. Ang kaso ay isinampa ng Special Investigation Task Group (SITG) Batocabe.

Si Mayor Baldo ang umano’y utak sa krimen.

Sinabi ni Pavia, natanggap ang subpoena ala-5 ng hapon kahapon at ang receipt copy ay ibinalik ng kanyang tauhan sa Provincial Prosecutor’s Office kaninang umaga.

Ang kampo ng mga akusado ay binibigyan ng sampung araw na sagutin o maghain ng counter affidavit ukol sa kaso.  Epektibo ang bilang ng sampung araw simula ngayong araw, Enero 10, 2019. | ulat ni Nancy Mediavillo – Radyo Pilipinas Albay