Subleader at 3 miyembro ng Abu Sayyaf, nutralisado ng pulis at militar sa Sulu

Nutralisado sa pinaagsanib na operasyon ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang isang subleader at tatlong miyembro ng Abu Sayyaf group (ASG) kahapon ng madaling araw sa Jolo, Sulu.

Kinilala ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar ang mga suspek na namatay sa pakikipaglaban sa mga awtoridad na sina Injam Yaddah, Al-Al Sawadjaan, at isang alyas Rauf/Raul; habang inaalam pa ang pagkakkilanlan ng pang-apat na suspek.

Si Yaddah ay sangkot sa pangingidnap ng mga dayuhan, kabilang ang Filipino-American na si Rex Triplitt sa Sirawai, Zamboanga Sibugay, at limang Indonesian sa karagatan ng Malaysia, na lahat ay naligtas ng pamahalaan.

Si Sawadjaan naman ay isang volunteer suicide bomber at IED bombmaker, na kapatid ng Jolo Cathedral bomber na si Mundi Sawadjaan.

Naaresto naman sa naturang operasyon ang asawa ni Yaddah na si Jenalyn Habibi Jairi alyas Jhing na kasama sa warrant of arrest; habang naligtas ang tatlong anak ni Yaddah.

Narekober ng mga awtoridad ang isang M16A1 rifle, isang cal. 45 pistol, mga bala, IED components, isang cellphone, isang pulsing Honda XRM na motorsiklo, detonating cords at blasting caps.