Street dwellers, pinasasama ng isang mambabatas sa vaccine rollout

Umapela si Assistant Majority Leader at ACT-CIS Partylist Representative Niña Taduran sa mga lokal na pamahalaan at sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), na maisama sa COVID-19 vaccination program ang mga nakatira sa kalsada lalo na ang mga matatanda at mga nanlilimos. 

Tinukoy ni Taduran, na walang kakayahan ang mga ito na magparehistro sa internet o magtungo sa local government unit (LGU) offices o barangay, para magpalista at magpabakuna. 

Giit ng kongresista, ang mga matatanda sa lansangan ay nangangailangan agad ng bakuna dahil ang mga ito ay vulnerable, madaling mahawaan at posibleng carrier ng virus. 

Punto pa ni Taduran, hindi makakamit ang target na maprotektahan ang populasyon kung maiiwan sa bakunahan ang mga taong nasa lansangan.