Storage area ng Pasig City General Hospital, nasunog

Iniimbestigahan na ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang nangyaring sunog sa storage facility ng Pasig City General Hospital, sa Barangay Maybunga, Pasig.

Sa ulat ng BFP Pasig, pasado alas-10 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa ikalawang palapag ng ospital.

Umabot pa sa ikatlong alarma ang sunog, bago naideklarang fire under control bandang alas-1:13 ng hapon.

Kabilang naman sa mga nasunog ay medical supplies ng ospital gaya ng alcohol at syringe.

Ayon naman sa pamunuan ng ospital, hindi vaccine storage ang nasunog, kaya walang naapektuhang suplay ng COVID-19 vaccines.

Wala namang nasaktan sa nangyaring sunog bagamat ilang pasyente ang kinailangang ilikas.