Staycations sa GCQ areas, posibleng magsimula na sa October 1

Inihayag ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na target nilang simulan ang pagbubukas ng “staycations” sa October 1 sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).

Ayon kay Puyat, maaari pang magkaroon ng pagbabago at hindi pa tapos ang guidelines sa operasyon ng mga hotel at accommodation establishments.

Karamihan kasi aniya ay ginagamit pa bilang quarantine facilities para sa mga balikbayang overseas Filipino workers at asymptomatic COVID-19 patients.

Ang iba naman ay ginawang temporary billeting areas para sa frontline workers gaya ng mga kawani ng gobyerno, healthcare workers at business process outsourcing.

Pero nilinaw ni Puyat na hindi maaaring mag-operate ang mga hotel bilang magkasabay na staycation at quarantine facility lalo’t kailangan pa itong i-sanitize.

Ipinunto ng kalihim na nakasalalay pa rin sa guidelines ng Department of Health (DOH) hinggil sa antigen testing ang target date ng pagbubukas.

Sa kasalukuyan ay isinusulong ng Department of Tourism (DOT) na gawing requirement sa pagbiyahe sa ilalim ng new normal ang antigen tests na mas mura at mabilis kumpara sa RT-PCR test.