Station commanders na bigong ma-neutralize ang mga kawatan, ililipat sa ibang lugar

DAVAO CITY–Nagbanta ngayon si Davao City Police Office (DCPO) Director Police Senior Supt. Alexander Tagum na tatanggalin sa pwesto at ililipat sa ibang lugar ang station commanders na bigong maaaresto ang mga holdaper at akyat-bahay sa kanilang area of responsibility (AOR).

Ang naturang pahayag ni Tagum ay kasunod ng bagong inilunsad na Oplan R.A.T Tugis o Robbery-Holdup, Akyat Bahay o Theft o pagnanakaw sa lungsod ng Davao.

Kaugnay nito, kinupirma ni Supt. Tagum na parte ng naturang kampanya ang sunud-sunod na pagkamatay ng mga suspek sa robbery matapos manlaban sa pulis.

Kabilang sa dalawang nasampulan sa nasabing kampanya ay ang isang kilalang akyat-bahay na si Cristian Lois Aguelo Gabrillo, 24, walang trabaho, residente sa Purok 7, Sta. Catalina, Brgy. Lapu-lapu, Jerome Agdao at isang drug suspect na si alyas Trongco sa Roman Diaz St. Calinan lungsod ng Davao.

Dagdag pa ni Tagum na ang naturang kampanya ay isang city-wide focused operation laban sa mga kilalang kriminal na sangkot sa robbery, holdup, akyat-bahay at pagnanakaw.

Nais ng DCPO Director na gawin ang lungsod ng Davao na most dangerous place sa mga kriminal at terorista ngunit most peaceful place naman para sa mga residente. | ulat ni Shiela Lisondra – DXRP Radyo Pilipinas Davao