SSS, sinimulan nang tumanggap ng calamity loan application para sa mga sinalanta ng bagyong Ompong

Kabuuang P1.61 billion ang inilaang pondo ng Social Security System (SSS) para sa mga sinalanta ng bagyong Ompong sa nakalipas na buwan.

Ang pautang ay makukuha sa ilalim ng calamity assistance program at mahigit isang milyong active members at pensioners ang inaasahang makapag-avail nito.

Ayon kay SSS President at CEO Emmanuel Dooc, sinimulan ng SSS ang pagbibigay ng calamity loan nitong Oktubre, tulad ng advance three-month pension at direct house repair at improvement loan.

Ang mga qualified members para sa nabanggit na mga pautang ay yaong may home address o lupain na nasalanta ng kalamidad sa mga lugar na naideklarang calamity-stricken areas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Kabilang dito ang mga lugar ng Abra, Apayao, Benguet, Ifugao, Kalinga, Mountain Province, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Batanes, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga,Tarlac, at Zambales.  | ulat ni Rey Ferrer