SSS, seryoso sa paghabol, pagsampa ng kaso sa mga delinquent employers

Abot na sa 15 delinquent employers ang pinaaresto ng Social Security System (SSS) sa buong bansa ngayong buwan ng Setyembre dahil sa kabiguang tumugon sa kanilang obligasyon.

Ayon kay SSS Chief Legal Counsel and Legal Enforcement Group Senior Vice President Atty. Voltaire Agas, ilan sa delinguent employers ang nangako namang ayusin ang hindi nababayarang kontribusyon sa ilalim ng Contribution Penalty Condonation Program ng ahensiya.

Banta ng SSS kapag nabigo pa sila na ayusin ang kanilang obligasyon ay tuluyan na silang sasampahan ng kaso.

Ayon naman kay SSS President at Chief Executive Officer Aurora Ignacio, seryoso ang ahensya na hulihin ang mga employers na nagbabalewala sa kanilang obligasyon tulad ng pagpaparehistro ng kanilang mga empleyado at hindi pagreremit ng contributions.

Huling inaresto ng SSS at Manila Police District sa bisa ng warrant of arrest ang dalawang employers sa Maynila dahil sa paglabag sa Social Security Law.

Kinilala ang mga dinakip na sina Florida Jose ng Falcon Maritime & Allied Services, Inc. dahil sa non-payment ng contributions at penalties na abot na sa P7.92 milyon at Ana Marie Celestia Vasquez ng Applebee, Inc. na may P1.5 milyon na dapat bayaran sa SSS.