SSS pinadali ang pag-apply ng maternity notification para sa mga buntis na miyembro

Inanunsyo ngayon ng state-run na Social Security System (SSS) na pinadali pa ang maternity notification para sa mga babaeng miyembro dahil maaari na ito sa pamamagitan ng text messaging.

Sinabi ni SSS President at Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc may dagdag nang paraan upang ipaalam sa ahensya ang kanilang pagbubuntis maliban sa personal na pagpunta sa kanilang sangay para mag-file ng maternity notification.

Ayon pa kay Dooc, hindi na rin kailangang magsumite ng katibayan ng pagbubuntis, kundi ipapasa lamang ito kasabay  ng aplikasyon ng maternity reimbursement sa SSS.

Aniya, kailangang ilagay sa notipikasyon ang SS number, PIN, petsa kung kailangan ang inaasahang panganganak kasama pa ang kabuuang bilang ng pregnancy ng isang miyembro at saka ito ipapadala sa 2600.

Kaugnay nito, nilinaw naman ng opisyal na pwede lamang ang maternity notification sa pamamagitan ng text para sa mga self-employed at voluntary members habang ang mga employed members ay kinakailangan pa ding magsabi sa kanilang employers at sila naman ang magpapaalam sa ahensya hinggil dito.

Para sa taon ng 2017, naglabas ang SSS ng P6.1-B na halaga ng maternity benefits sa halos 300,000 babaeng miyembro nito. | via Shane Juan