SSS, may paliwanag kung bakit hindi nila basta pwedeng ipatupad ang ikalawang tranche ng karagdagang pensyon sa taong 2019

Nagpaliwanag ngayon ang state-run na Social Security System (SSS) kung bakit hindi nila basta pwedeng ipatupad ang ikalawang tranche ng karagdagang benepisyo ng mga pensiyonado sa taong 2019.

Para maipatupad ito, binigyang diin ni SSS President at Chief Executive Officer Emmanuel Dooc na kailangan pa nila ng isang Executive Order (EO) ng MalacaƱang o pagsasabatas ng nakabinbing panukala sa Kongreso para amiyendahan ang Social Security (SS) Charter of 1997 (R.A. 8282).

Ayon kay Dooc, walang kapangyarihan ang SSS management o maging ang Social Security Commission (SSC) na ipatupad ang isanlibong dagdag benepisyo ng mga pensioners sa gitna ng mga panawagan na agad i-release ang pondo.

Sa kabila nito, positibo pa rin ang SSS na maipapatupad ang programa sa loob ng termino ng pangulo bago ito magtapos sa taong 2022.

Matatandang January 2017, inaprubahan ang P2,000 additional pension kung kailan din sinimulan ang implentasyon ng unang tranche habang sa 2022 naman target ang 2nd tranche na kailangan ng isang ‘financial mechanism’ upang manatiling matatag ang pension fund ng ahensya.

Kaugnay nito, umabot sa P33-B ang pondong inilaan ng SSS noong 2017 at inaasahan na tataas pa ito sa 2nd tranche ng pension increase dahil tumataas ang bilang ng mga pensioners ng hanggang 100,000 kada taon. | via Shane Juan