SSS, hinikayat ang mga propesyunal na hinete na samantalahin ang batas sa maagang pagreretiro upang mapakinabangan ang mga benepisyo

Hinikayat ng pamunuan ng Social Security System (SSS) ang mga propesyunal na hinete na samantalahin ang ibinabang edad ng pagreretiro alinsunod sa itinakda ng Republic Act 10789 o ang Racehorse Jockeys Retirement Act.

Mula sa 60 years old, ibinaba sa 55 ang compulsory retirement para mabigyan sila ng proteksyon mula sa mga kaakibat na peligro ng kanilang trabaho na maaaring magresulta ng matinding kapansanan o kamatayan.

Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Emmanuel Dooc, konsiderasyon ito sa mga panganib ng pagiging isang hinete, kaya’t bibigyan sila ng pagkakataon ng bagong patakaran na pakinabangan ang mga benepisyo sa pamamagitan ng maagang pagre-retiro kaysa sa ibang miyembro ng state-run na social insurance program.

Batay sa inilabas na Department of Labor and Employment (DOLE) Order No.169, saklaw lamang ng pinababang retirement age ng mga hinete ang mga nagtrabaho at sertipikado ng isang employer na lisensiyado ng Philippine Racing Commission.

May ilang panuntunan pang inilatag ang Labor Department hinggil dito, gaya ng pagtatrabaho ng hinete ng hindi bababa sa limang taon at may aktwal na petsa ng pagreretiro na hindi maaga sa May 24, 2016, kung kailan naging epektibo ang nabanggit na batas.

Hinihikayat naman ng SSS management ang mga hinete na na nais nang magretiro, na makipag-ugnayan agad sa mga tanggapan ng ahensya hinggil sa binagong patakaran sa kanilang compulsory retirement. | via Shane Juan