Spox Roque, nilinaw na hindi siya nanghihimasok sa isyu ng PhilHealth at PRC

Nilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi siya nanghihimasok sa isyu ng milyong pisong halaga ng balanse ng PhilHealth sa Philippine Red Cross (PRC).

Pahayag ito ng kalihim kasunod ng sinabi ni Senator Richard Gordon na tila nakikialam ang kalihim sa usapin ng dalawang tanggapan.

Ayon kay Secretary Roque, nagsasalita lamang siya alinsunod sa kaniyang tungkulin bilang tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Paliwanag ng kalihim, importante sa pangulo ang testing dahil bahagi ito ng istratehiya ng pamahalaan laban sa COVID-19.

Paglalahad ni Secretary Roque, “Hindi naman po tayo nanghihimasok sa isyu ng PhilHealth at ng Philippine Red Cross. Kaya nga lang po, nagsasalita po tayo sa ngalan po ng ating President at importante po talaga kay Presidente Duterte ang testing dahil alam po natin na napakaimportanteng kabahagi ito ng ating istratehiya laban po sa COVID-19.”

Kaugnay nito, sinabi ni Secretary Roque na mayroon rin siyang interes na siguruhing nagagawa ng PhilHealth ang mandato nito dahil PhilHealth ang nagpapatupad ng Universal Healthcare.

“Ang inyong abang lingkod naman po ay alam naman po natin na tayo po iyong kauna-unahang nagsulong ng Universal Health Care Bill sa Mababang Kapulungan noong 17th Congress, at dahil dito po mayroon din naman po tayong interes na siguraduhin na ginagawa ng PhilHealth ang kaniyang katungkulan dahil sila po ang nagpapatupad ng Universal Health Care.” pahayag ni Secretary Roque.