Special permits para sa mga karagdagang bus na bibiyahe sa lalawigan ngayong Semana Santa, inaprubahan na ng LTFRB

Nadagdagan pa ang bilang ng mga unit ng bus na binigyan ng special permit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board para makapagbiyahe sa ibat-ibang ruta sa lalawigan ngayong Holy Week.

Ayon kay LTFRB Board Member Atty. Aileen Lizada, mula sa 1,220 na units na sumailalim sa ebalwasyon, 990 ang naaprubahan mula sa mga bus operators mula sa Bicol region, Mindanao, North Luzon, South Luzon at Visayas.

Kahapon, nasa 697 lamang ang mga unit ng bus ang binigyan ng special permits.

Noong nakalipas na taong 2017, may 1,035 bus units ang binigyan ng special permit ng LTFRB mula sa 422 application para makapagbiyahe sa mga lalawigan sa panahon ng Semana Santa.

Ngayong taon abot sa 486 bus operators ang nag-file ng application para makakuha ng special permits pero hindi lahat ay pinayagan ng LTFRB.  | via Rey Ferrer