Special permits para sa mga bus na bibiyahe sa mga lalawigan ngayong undas, inilabas na ng LTFRB

Aabot na sa 1,355 special permits ang inaprubahan ng Land Tansportation Franching and Regulatory Board (LTFRB) para sa mga bus na bibiyahe sa mga lalawigan ngayong panahon ng Undas.

Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra, ito ay base na rin sa target na units na nais bigyan ng special permits para makapagbiyahe sa mga lalawigan.

Pinakamarami sa nabigyan ng LTFRB ng permit ay ang Region 4 na may 682, kasunod naman dito ang Central Luzon na may 537.

Ang special permits ay may bisa mula October 30 hangggang November 5.

Samantala, isang drayber ng bus sa Araneta bus terminal ang nagpositibo sa drug testing na ipinatupad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kanina.

Hindi na papayagan na makapagmaneho ang tsuper at muli siyang isasailalim sa confirmatory drug testing.

Sa kabuuan, may 147 na mga drayber at konduktor ang sumailalim sa drug testing, 15 dito ay mula sa Victory Liner, 85 sa Bicol Isarog, 30 sa Araneta Aircon bus terminal at 17 sa Araneta Ordinary bus terminal.| ulat ni Rey Ferrer