SPD, inaalam ang iba pang mga pulis na posibleng kasabwat ng Maru kidnap-for-ransom group

Inaalam ngayon ng Southern Police District (SPD) kung may iba pang mga pulis na kasama sa Maru kidnap-for-ransom group.

Ito ay matapos na mapatay ang isang aktibong pulis at mahuli ang tatlo pa na kasama sa kidnap-for-ransom group sa operasyon ng SPD kahapon ng madaling araw sa Western Bicutan Taguig.

Ayon kay SPD Director Chief Supt. Tomas Apolinario, ang mga miyembro ng sindikato ay mga “rogue cops” na nagu-operate sa Taguig at inaalam nila ngayon kung gaano kalawak ang koneksyon ng grupo sa iba pang mga aktibong pulis.

Kaugnay nito, sinibak ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar ang lahat ng tatlumpu’t siyam (39) na pulis na kabilang sa Police Community Precinct 1 (PCP1) ng Taguig, kasama na ang commander nito na si Senior Insp. Joel Villapania.

Pawang mga pulis ng PCP1 ang mga naarestong pulis na miyembro ng kidnap-for-ransom group na sina PO1 Bryan Amir Papa Bayo, PO2 Joey Ermino Mano at PO1 Paulo Ocampo, pati na rin ang napatay na pulis na si PO1 Heraldo Ancheta.

Sabi ni Apolinario, mahigit isang taon pa lamang naka-destino sa Bicutan ang mga sangkot na mga bagitong pulis. | ulat ni Leo Sarne