Spare parts galing Japan, ginamit sa pag-restore ng Air Force choppers 

Ikinakabit na ng Philippine Air Force sa mga nakatengga nitong UH-1H choppers ang mga spare parts na donasyon galing sa Japan.

Ang mga spare parts ay pormal na tinanggap ng Philippine Air Force mula sa Japanese Ministry of Defense sa Clark Airbase, Pampanga nitong March 19.

Ang mga piyesa ay binubuo ng main rotor blades, tail rotor blades at tail rotor driveshaft.

Ayon kay Maj. Aristides Galang, tagapagsalita ng Philippine Air Force, sa pamamagitan ng naturang spare parts ay mare-restore nila ang pitong UH-1H helicopters ng 205th Tactical Helicopter Wing.

Mahalaga aniya ang papel ng UH-1H helicopters, na ginagamit ng Air Force sa humanitarian assistance and disaster response, transport, intelligence, surveillance, at reconnaissance.

Ang iba pa aniyang piyesa ay gagamitin naman sa pagmantini ng iba pang UH-1H helicopters ng Air Force, para matiyak ang kanilang “operational readiness”.

Photo courtesy: Philippine Air Force