SP Sotto sa NBI: Imbestigahan ang kaso ng pagpatay sa isang BuCor official

Hinimok ni Senate President Vicente Sotto III ang National Bureau of iIvestigation (NBI) na imbestigahan ang kaso ng pagpatay sa isang opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) kamakailan.

Sinabi ito ni Sotto sa naging pagdinig ng senado sa kontrobersiya ng pagbibigay ng good conduct time allowance (GCTA) sa mga heinous crime convict.

Tinutukoy ng senate president ang pagpaslang kay Ruperto Traya Jr., chief admistrative officer 3 ng BuCor, na nabaril at napatay sa Barangay Poblacion, Muntinlupa City, nitong nakaraang linggo.

Giit ni Sotto, kailangan ng malalimang pag-iimbestiga sa kaso lalo’t may kinalaman ang trabaho ni Traya sa departamento ng Bureau of Corrections na nagproproseso ng dokumento ng mga inmate na kwalipikado sa good conduct time allowance (GCTA).

Tiniyak naman ni NBI Director Dante Gierran na inimbestigahan na ng kanilang ahensya ang kaso.

Nasimulan na aniya ang intelligence gathering at mayroon na silang tinitingnang dalawa o tatlong anggulo sa pamamaslang na sa ngayon ay hindi pa nila maaaring isapubliklo.