SP Sotto sa mga taga-media: Mag-ingat sa fake news sa umano’y tangkang pag-aresto kay Trillanes ngayong araw

Binigyang-katiyakan ngayon ni Senate President Tito Sotto na walang magaganap na pag-aresto kay Sen. Antonio Trillanes ngayong araw at maging sa darating na araw ng Sabado at Linggo.

Ginawa ni Sen. Sotto ang pahayag sa gitna ng umuugong na bali-balita na si Trillanes ay aarestuhin na umano ngayong araw o bukas o sa Linggo habang sarado ang mga korte.

Sinabi ni Sotto na ang nasagap na balita ng mga taga-media ay isang fake news na posibleng gawa ng mga gustong pahabain lang ang istorya at ang coverage ng media.

Maging si opposition Sen. Kiko Pangilinan, na kaalyado ni Trillanes, ay nanawagan na rin kagabi sa kanilang mga kaibigan at supporter para magtungo sa Senado para ipakita ang kanilang suporta kay Trillanes.

Ayon kay Pangilinan, may nakuha silang impormasyon mula sa kanilang kaibigang taga-media na may tangka umanong arestuhin kagabi si Trillanes.

Kaugnay nito, sinabi ni Senate President Sotto na dapat mag-iingat ang mga taga-media para hindi sila nakukuryente ng maling balita.

Paliwanag ni Sotto na maliwanag sa protocol, na kung may isasagawang pag-aresto, ito’y magkakaroon ng kaukulang koordinasyon sa tanggapan ng Senate Sergeant at Arms at ipararating naman ng huli sa tanggapan ng Senate President.  | ulat ni Jojo Ismael