SP Sotto, nanindigan para sa hindi pagpayag sa pag-aresto kay Sen. Trillanes sa loob ng Senado

Naninindigan pa rin si Senate President Tito Sotto para sa hindi pagpayag na dakpin o ma-aresto si Sen. Antonio Trillanes habang ito’y nasa loob ng Senado.

Ginawa ni Sen. Sotto ang kanyang pahayag sa social media kagabi bilang tugon sa mga bumabatikos sa desisyon ng Senado para sa hindi pagpayag sa pag-aresto kay Trillanes sa loob ng Senate premises.

Sinabi ni Sotto na marami umanong nagdudunong-dunungan ukol sa kasaysayan at mga kaganapan sa Senado ng Pilipinas.

Nung Martes, inatasan ni Sotto ang Sergeant at Arms ng Senado na huwag payagan ang pag-aresto kay Trillanes, na ang kanyang amnestiya ay pinawalang-bisa ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang desisyon ni Sotto ay suportado ng lahat ng iba pang kasamahang senador sa isang all-senators caucus.

Ayon kay Sotto, matatandaan na wala pang senador, kabilang si dating Senate President Juan Ponce Enrile at dating Sen. Jinggoy Estrada at Bong Revilla ang pinayagang dakpin sa loob ng Senado, kahit na may arrest warrant na naisyu laban sa kanila mula sa korte kaugnay ng pagkakasangkot diumano sa pork barrel scam.

Pero, nilinaw pa rin ng Senate President na kapag ang pag-aresto ay isasagawa sa labas ng Senado, ito’y hindi aalalahanin ng Mataas na Kapulungan.  | ulat ni Jojo Ismael