SP Sotto, nanawagang iprayoridad muna ang Rightsizing Bill, bago gumawa ng mga bagong departamento sa pamahalaan

Isinusulong ni Senate President Vicente Sotto III na unahin muna ang streamlining ng operasyon ng mga ahensya ng gobyerno, bago bumuo ng mga bagong departamento o opisina sa pamahalaan.

Sa Senate Bill 244, o ang panukalang Rightsizing the National Government Act na inihain ng Senate President, layong simplehan na muna ang operasyon at ayusin ang mga opisinang may halos kaparehong gawain lang.

Paliwanag ni Sotto, sa ngayon kasi ay lumubo na sa 1.5-milyon ang empleyado ng 186 departments, agencies at iba pang opisina ng gobyerno.

At 65-percent ng national budget ay napupunta sa pagpapasahod ng mga tao, at 35-percent na lamang ang napupunta sa panggastos sa mga proyekto at serbisyo ng pamahalaan.

Kapag aniya naisaayos ito, ay higit isang trilyong piso ang matitipid ng pamahalaan, at tiyak pang bibilis ang mga proseso sa mga ahensya ng gobyerno.

Binigyang-diin naman ng senador na ang mga maaapektuhang empleyado sa gagawing pagbabago sa organizational structure ng mga opisina – maging sila man ay permanent o contractual – ay dapat bigyan ng retirement benefits at separation incentives.