SP Sotto, may mapagkakatiwalaang intel report na nagkumpirma ng korapsyon sa BuCor

Sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na mayroon siyang natanggap na ‘A1’ intelligence report na magpapatunay ng napaulat na ‘GCTA for sale’ o korapsyon sa Bureau of Corrections (BuCor).

Ayon kay Sotto, base sa impormasyong ito, umaabot umano ng milyones ang bayaran para makakuha ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) ang mga preso.

Bagamat hindi aniya partikular na tinutukoy kung sino ang nakikinabang sa ilegal na kalakaran, sinasabi naman aniyang buong organisasyon ang sangkot dito.

Mayroon rin aniyang mga nagsisilbing middle man para sa mga nangyayaring bayaran.

Ayon pa sa senador, kasama rin sa report ang pagkakaugnay ng kaso ng pamamaslang kay BuCor Chief Administrative Officer 3 Ruperto Traya sa isyu ng GCTA.

Giit ni Sotto, ‘A1’ o mataas ang kredibilidad ng report na ito bagamat hindi na siya nagbigay ng impormasyon tungkol kung sino ang nagbigay nito.

Kabilang ang intel report na ito sa mga aabangan bukas sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa implementasyon ng GCTA law at ang pagpapalaya sa ilang heinous crime convicts.