SP Sotto, isinusulong na i-exempt sa buwis ang public school teachers

Naghain ng panukalang batas si Senate President Vicente Sotto III upang ma-exempt ang mga public school teachers sa pagbabayad ng buwis.

Layon ng Senate Bill 241 ni Sotto na mapabuti at mapataas ang kalidad ng pamumuhay ng mga guro.

Sa naturang panukalang batas, aamiyendahan ang Section 22 at 24A ng National Internal Revenue Code upang hindi na magbayad ng income tax ang mga gurong may plantilla na teacher I, II at III.

Bukod sa income tax ay hindi na rin bubuwisan ang holiday pay, overtime pay at night differential at hazard pay ng mga guro.

Ayon kay Sotto, sa pamamagitan nito ay matatanggap ng mga guro ang bayad na karapat-dapat sa kanila.

Nangako ang Senate President na gagawin ng mga senador ng 18th Congress ang lahat upang mapataas ang sahod ng mga public school teachers sa bansa.