SP Sotto, isinisi sa mahabang debate patungkol sa BOL ang pagbagsak ng satisfaction rating ng Senado

Isinisisi ni Senate President Vicente Sotto III sa mahabang debate ng Senado sa Bangsamoro Organic Law (BOL) ang pagbagsak ng satisfaction rating ng Mataas na Kapulungan  sa ikalawang bahagi ng taong 2018.

Ayon kay Sotto, medyo natagalan sa Senado ang interpellation stage ng BOL at  may mga iba pang panukalang batas ang naka-pending sa mga komite  na hinihintay ng maraming tao na hindi agad naaksyunan sapagkat mahaba ang debate sa BOL.

Sa huling survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS), ang Senado ay nakakuha ng good satisfaction rating. Ito ay dahil sa dinanas nitong pagbagsak ng apat na puntos sa ikalawang bahagi ng taong 2018 na pinakamababang rating ng Senado simula ng ikalawang bahagi ng 2016.

Gayunpaman, nagpahayag si Sotto ng pag-asa na ang pagtitiwala at kumpiyansa ng mga Pilipino sa Senado ay bubuti pa sa mga susunod na buwan. | ulat ni Jojo Ismael