SP Sotto, hinikayat si PNP Chief Albayalde na tanggalin sa serbisyo ang 13 Pampanga ‘ninja cops’

Hinimok ni Senate President Vicente Sotto III si Philippine National Police (PNP) Chief General Oscar Albayalde na putulin na ang ugnayan sa 13 Pampanga police na isinasangkot sa pagre-recycle ng iligal na droga at tuluyan nang ipatupad ang dismissal order laban sa mga ito.

Ayon kay Sotto, ito ang pinakamainam na paraan upang mapatunayan ni Albayalde na wala siyang kinalaman sa diumano’y maanomalyang gawain ng mga ito.

Matatandaang si Albayalde ang provincial chief ng Pampanga nang gawin ng 13 binansagang ‘ninja cops’ ang kontrobersiyal na buy bust operation noong November 2013.

Ayon sa report ng PNP-CIDG noon sa naturang insidente, lumalabas na 200 kilo ng shabu ang nasabat ng mga pulis sa operasyon ngunit 38 kilo lang ang isinumite nila bilang ebidensya.

Giit ng Senate President, bukod sa kasong administratibo ay dapat sampahan rin ng kasong kriminal ang mga pulis na sangkot sa operasyon dahil sa maling pagdedeklara nila ng ebidensya.

Magandang senyales aniya na makitang maalis sa serbisyo ang mga tiwaling pulis na ito.

Ngayong alas-10:00 ng umaga, muling ipagpapatuloy ng Senate Blue Ribbon at Justice Committee ang pagdinig tungkol dito sa ‘ninja cops’, mga isyu sa implementasyon ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law at anomalya sa Bureau of Corrections (BuCor) at New Bilibid Prison.

Ito na ang ika-siyam na pagdinig ng kumite tungkol sa mga isyu at sinabi ni Blue Ribbon at Justice Committee Chairperson Senador Richard Gordon na sisikapin nilang matapos na ito ngayong araw upang makagawa na ng final report at mga rekomendasyon.

Inaasahan pa rin sa pagdinig sina PNP Chief Albayalde, dating PNP CIDG Chief at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong, 13 Pampanga police, PDEA Chief Aaron Aquino, Justice Secretary Menardo Guevarra, mga opisyal ng BuCor, NBI at iba pang mga kasalukuyan at retiradong opisyal ng PNP.