SP Sotto: ‘Di dapat sisihin si Mayor Magalong sa pagputok ng isyu sa “ninja cops”

Ikinagulat ni Senate President Vicente Sotto III ang pagsisi kay dating PNP CIDG chief at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa paglaki ng isyu ng ninja cops.

Sinabi ito ni Sotto matapos kwestiyunin ng ilan kung bakit ngayon lang inuungkat ang sinasabing ‘agaw-bato’ scheme ng Pampanga police na nangyari anim na taon na ang nakararaan.

Giit ng senate president, naimbitahan ang alkalde bilang dating CIDG chief na namumuno sa mga raid sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).

Dito ay pinatotohanan niyang may nangyayari ngang drug recycling sa loob ng Bilibid at ilang pulis pa ang sangkot dito.

Saka naitanong ng mga senador ang detalye ng isang kasong naimbestigahan noon ni Magalong na may kaugnayan dito.

Ayon pa kay Sotto, kung matatandaan ay hiniling pa nito na sa executive session na lang idetalye ang kanyang impormasyon upang maiwasang magpangalan ng mga tao sa publiko.

Kaya naman mali aniya ang pahayag na bigla na lamang hinalungkat at nilabas ni Magalong ang naturang isyu.