SP Pimentel: Wala ng impeachment trial sa Senado kapag hindi na i-aakyat ng Kamara ang articles of impeachment ni CJ Sereno

Naninindigan pa rin si Senate President Koko Pimentel na ang impeachment trial sa Senado ay nakasalalay sa magiging aksyon ng Kamara sapagkat ang articles of impeachment sa kaso ni Chief Justice Sereno ay nasa Kamara pa rin.

Sinabi ni Pimentel na kung iaakyat pa rin ng Kamara sa Senado ang articles of impeachment sa kabila ng majority decision ng Korte Suprema sa quo warranto petition laban kay Sereno, wala umanong ibang opsyon ang Senado kundi tanggapin ito at ang mataas na kapulungan ay aakto bilang isang impeachment court para dinggin ang kaso.

Subalit kung hindi na dadalhin sa kanila ang articles, wala na rin silang lilitisin at di na magkakaroon ng impeachment trial.

Sa bahagi ni Senate Majority Tito Sotto, kanyang ipinunto na ang Korte Suprema ay ang pinakamataas na interpreter ng Konstitusyon at ng mga batas kung saan dapat lang na irespeto ang desisyon nito.

Dagdag pa ni Sotto na ang di pagtanggap dito at pagsunod pa rin sa sarili nating opinyon ay para na ring pagpapahayag  na mas mataas pa tayo sa Korte Suprema.

Pero para kay senador Kiko Pangilinan na miyembro ng oposisyon at minorya sa Senado, pambabastos umano sa Saligang Batas ang ginawa ng mayorya sa Supreme Court. Tama umano ang posisyon noong anim.

Diin ni Pangilinan na dapat umanong mag-file ng motion for reconsideration. Dapat maipamalas ng taumbayan sa korte na mali ang pasya at hindi katanggap-tanggap. | via Jojo Ismael