Sotto, suportado ang utos ng Pangulong Duterte na pagsasa-publiko ng narco-list

Suportado ni Senate Majority Leader Tito Sotto ang utos ng Pangulong Rodrigo Duterte sa PDEA na ilabas na ang narco-list na kinapapalooban ng pangalan ng mga barangay officials na umano’y sangkot sa iligal na droga.

Para kay Sotto, dating hepe ng Drugs Board, wala umanong dapat ikabahala ang mga tutol sa paglalabas ng nasabing narco-list dahil ang listahan ay validated, at may dahilan, at ito’y dahil sa may idaraos na barangay eleksyon.

Anang mambabatas, ang listahan ay totoo, at totoong may mga pinagdududahang opisyal ng barangay at gusto ng Pangulong Duterte ay ilahad ito para hindi na sila iboto ng kanilang mga kabarangay.

Kailangan umanong mailabas ngayon ang listahan dahil hindi umano uubra na sila’y basta na lang kakasuhan sa korte tulad ng mungkahi ng ilan.

Paliwanag ni Sotto na ang problemang ito ay hindi basta lang na isang ordinaryong krimen kundi isang complex crime kung saan ang kriminal ay ang biktima, at ang biktima ay ang kriminal din.

Tulad aniya ng isang druglord, hindi ito direktang humahawak o gumagamit ng droga pero siya ang nagpapatakbo ng iligal na kalakalan ng droga na hindi madaling mahuli dahil sa hindi sila naaaktuhan sa paggawa ng krimen, kung kaya’t ang kailangan ay ibang approach. | via Jojo Ismael