Sotto: Panukalang ibalik ang parusang kamatayan para sa mga matataas na kaso ng drug trafficking, makakakuha ng suporta mula sa nakararaming senador

Tiwala si Senate President Tito Sotto na makakakuha ng suporta mula sa nakararaming senador ang panukalang ibalik ang death penalty.

Sa panayam ng mga mamamahayag sa Senado, sinabi ni Sotto na ang panukalang re-imposition ng death penalty ay maaaring makakakuha ng suporta mula sa lampas sa 13 senador kapag ang hakbangin ay nakasentro sa mataas na level ng drug trafficking.

Subalit kung ang reimposition ng death penalty ay mahahaluan ng ibang krimen, sinabi ni Sotto na kailangan ang pag-aaral muna nang mabuti sapagkat ang ibang krimen na binabanggit ay may remedyo kung ang pag-uusapan ay ang aspeto ng prosekyusyon.

Punto ng bagong upong Senate president, ang ibang krimen kapag binulok mo sa kulungan ang kriminal, hindi na makakaperwisyo pa ng mga kabataan sa bansa. Hindi tulad ng mga druglord na nakakapag-operate pa rin kahit na sila’y nakakulong na.

Kapag hinuli mo ang isang druglord at ito’y pinatawan ng parusang kamatayan, hindi na ito makakapag-operate pa ng kanyang iligal na gawain ng pagtutulak ng iligal na droga.

Sa huling pagtaya, ang mga senador na kontra sa death penalty ay kinabibilangan nina Minority Leader Frank Drilon at Senador Dick Gordon, Kiko Pangilinan, Bam Aquino, Risa Hontiveros, Grace Poe at Leila de Lima.

Habang ang mga nagsusulong ng death penalty naman para sa kaso ng droga ay si Senate President Sotto at sina Senador Manny Pacquiao, Panfilo Lacson at Win Gatchalian.

Ang ibang senador na bukas para sa re-imposisyon ng death penalty ay sina Senador Sonny Angara, Joel Villanueva at JV Ejercito.  | via Jojo Ismael