Sotto: Pagtalakay sa nilalaman ng Dengvaxia report sa pagbabalik sesyon ng Senado sa Mayo 14, isasaprayoridad ng Blue Ribbon Committee

Sinabi ni Senate Majority Leader Tito Sotto na sa pagbabalik sesyon ng Senado sa Mayo 14, agad nilang isasalang sa plenaryo ang pagtalakay sa Blue Ribbon Committee Report ukol sa Dengvaxia controversy.

Punto ni Sotto, dahil sa kontrobersyal aniya ang nilalaman ng Committee Report, agad nilang isasalang ito sa plenaryo para mapag-usapan ang mga rekomendasyon na inihanda ng committee chairman na si Senador Richard Gordon.

Subalit, nilinaw ni Sotto, kahit na igigiit pa nilang mga senador ang pagpapatupad sa mga rekomendasyon sa report, nasa kamay pa rin umano ng Ombudsman at ng Department of Justice ang pagpapasya kung dapat bang kasuhan ang mga isinasangkot na mga dating opisyal sa sumablay na Dengvaxia vaccination program ng gobyerno.

Sa pinakahuling bilang, siyam na senador na ang kumpirmadong nakapirma sa naturang committee report. Ito’y sina Senador Gordon, Majority Leader Tito Sotto, Gringo Honasan, Migz Zubiri, JV Ejercito, Nancy Binay, Manny Pacquiao, Sherwin Gatchalian at Grace Poe.

Sa committee report, inirekomenda ang paghahain ng kaukulang kaso laban kay dating Pangulong Noynoy Aquino at iba pang opisyal ng kanyang administrasyon kaugnay ng natigil na P3.5-billion Dengvaxia vaccination project. | via Jojo Ismael