Sotto: Napakaaga pa para malaman ang magiging kalalabasan ng 2019 senatorial elections

Para kay Senate President Tito Sotto, napakaaga pa para malaman ang magiging kalalabasan ng 2019 midterm elections lalo na para sa mga nagbabalak na kumandidato sa pagka-senador.

Ginawa ni Sotto ang kanyang pahayag matapos na inilabas ng Pulse Asia ang resulta ng isinagawa nitong pinakahuling pre-election survey ukol sa mga posibleng mananalo sa darating na eleksyon sa Mayo sa susunod na taon.

Sa nasabing Pulse Asia pre-election survey, ang re-eleksyonista na si Senador Grace Poe ang nangunguna sa sinasabing Magic 12 na posibleng mananalo sa pagka-senador kung ngayon idaraos ang halalan.

Liban kay Poe, kasama rin sa Magic 12 sina Taguig Representative Pia Cayetano, Senador Cynthia Villar, Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, Senador Sonny Angara, dating Senador Jinggoy Estrada, dating PNP Chief Ronald “Bato” Dela Rosa, dating Senador Serge Osmeña at Lito Lapid, at mga incumbent senators na sina Koko Pimentel, Nancy Binay at JV Ejercito.

Subalit para kay Sotto, hindi dapat magpakakampante ang mga nabanggit ng Senate contenders sapagkat ang eleksyon ay malayo pa o sampung buwan pa mula ngayon at marami pa ang maaring magbago.

Payo ni Sotto, magsumikap pa ang mga nagbabalak na kumandidato sa pangangampanya at alamin kung ilang porsyento ng mga botante ang kakailanganin nila para sila’y mapasama sa Magic 12, pagdating ng araw ng halalan. | ulat ni Jojo Ismael