Sotto: Magpapatawag ng public hearing ang Senado ukol sa mga pinakahuling kaganapan sa West Pilippine Sea

Kahit na naka-recess ang Senado, magpapatawag ng joint public hearing ang Senate Committee on Foreign Relations at ang Committee on National Defense ukol sa mga isyu ngayon sa West Philippine Sea.

Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, hindi naman dahil sa gusto lang ng Senado na umeksena sa pinag-uusapan sa West Philippine Sea kundi kailangan magkaroon ng pagkakataon ang Committee on Foreign Relations na pinamumunuan ni Senador Loren Legarda at ang Committee on National Defense and Security ni Senador Gringo Honasan na malaman ang mga huling kaganapan sa pinagtatalunang teritoryo.

Paliwanag ni Sotto, sa Konstitusyon, ang Senado ang may kapangyarihan na pumasok sa kasunduan at mga tratado kaya kailangan talaga na malaman ng mga senador ang mga nangyayari o mga pangyayari sa West Philippine Sea o ang South China Sea.

Para sa Senate president, dapat ding ipaliwanag ni Magdalo Representative Gary Alejano kung saan niya nakuha ang kanyang impormasyon na umano’y ipinatigil ng MalacaƱang ang pagpapatrolya ng Philippine Navy at Coast Guard sa West Philippine Sea na bagay na pinasinungalingan ng Palasyo.

Ani Sotto, ang kailangang ipatupad sa pagtugon sa isyu ay diplomatic approach sapagkat mas mabuti ang magkaroon ng mga kaibigan kaysa sa mga kaaway at hindi umano natin kailangang awayin ang China sapagkat mabait ito sa atin.

Kanyang tinukoy na ang China ang matagal nang may hawak ng national grid ng Pilipinas para sa ating pangangailangan sa kuryente na aniya ay nagsimula noon pang panahon ng Aquino administration.

Samantala, ukol sa napaulat na pambu-bully ng Chinese Coast Guard sa ating mga mangingisda sa Scarborough Shoal, sinabi ni Sotto na pwedeng ireklamo nang diretso sa China ang isyu sapagkat ang aksyon ng kanilang Coast Guard ay hindi naman aksyon ng kanilang Presidente.

Hindi umano kailangan ang diplomatic protest sapagkat maaari naman itong pag-usapan ng Pilipinas at ng China sa halip na dalhin pa ito sa ibang venue tulad ng United Nations. | ulat ni Jojo Ismael