Sotto, kumpiyansa na lalagdaan ng Pangulong Duterte ang Mental Health Bill upang maging isang ganap na batas ngayong buwan

Kumpiyansa si Senate President Tito Sotto na magiging isang ganap na batas na ang Mental Health Bill ngayong Hunyo 20 o anim na araw mula ngayon.

Ayon kay Sotto na pangunahing may-akda ng Mental Health Bill sa Senado, nakatitiyak siya na lalagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang panukalang hakbangin at makakasama ito sa mga bagong batas na babanggitin ng Pangulo sa kanyang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 23.

Dagdag pa ng Senate president, kapag makaligtaang lagdaan ng Pangulo, magla-lapse pa rin ito para maging batas sa abente ng kasalukuyang buwan.

Para kay Sotto, siya ang pangunahing may-akda ng Mental Health Bill na una niyang i-finile noong 16th at muling inihain sa kasalukuyang 17th Congress.

Dahil ito’y isa ng consolidated bill, by tradition, ang sinumang naunang naghain nito ay siya ang ituturing na principal author at ang ibang senador na naghain din ng kahalintulad na hakbangin ay mga co-author na lamang.

Ang panukalang hakbangin, makaraan na maipasa at maratipikahan ng Senado at Kamara bago nag-adjourn ang Kongreso ay agad na inakyat sa Palasyo para sa paglagda ng Pangulong Duterte.

Para sa Senate president, maraming makikinabang sa hakbangin sapagkat ang totoo aniya, maraming mental health issues at maraming pamilya sa bansa na hindi makayang magpatingin sa doktor o makabili ng mga gamot na kailangan nila. | ulat ni Jojo Ismael