Sotto, itinanggi na may term-sharing agreement sila ni Pimentel

Agad na itinanggi ni Senate Majority Leader Tito Sotto ang ulat na siya at si Senate President Koko Pimentel ay may kasunduan na term-sharing.

Ginawa ni Sotto ang kanyang pahayag bilang reaksyon sa sinabi ni Senador Ping Lacson sa harap ng mga mamamahayag sa Senado na alam niya umano na may nabuo ng kasunduan sa pagitan nina Sotto at Pimentel kaugnay ng pagsasalin ng liderato sa Mataas na Kapulungan na magaganap sana ngayong taon.

Paliwanag ni Sotto na bagama’t hindi niya tatanggihan kapag inalok sa kanya na pamunuan ang Senado, ang pagsasalin aniya ng liderato ay hindi maaaring isagawa ng dalawang senador lamang kundi ito’y pinag-uusapan nang maayos sa pagitan ng lahat ng mga senador.

Magkakaroon ng pormal na botohan at kung sino ang makakuha ng sapat na bilang, siya na ang uupo bilang pangulo ng Senado.

Agad namang humingi ng paumanhin si Lacson makaraan na itanggi nina Pimentel at Sotto ang akalang may usapan na sa pagitan nila.

Gayunpaman, si Pimentel na kasalukuyang nasa Europa para sa isang opisyal na pagbisita ay inaasahan na ring bababa mula sa Senate Presidency sa Oktubre para isentro ang kanyang gawain sa kanyang kandidatura para sa kanyang re-election sa 2019 midterm elections.

Kapag walang maitatalagang bagong halal na Senate president, ang Senate President pro tempore na si Senador Ralph Recto ang pansamantalang aaktong officer in charge. | via Jojo Ismael