Sotto: Ang Pilipinas ay hindi na nakapokus lang sa US, mas prayoridad na natin ngayon ang pakikipagkaibigan sa lahat ng bansa sa mundo

Sinabi ni Senate President Tito Sotto na ang Pangulong Rodrigo Duterte ang arkitekto ng foreign policy ng bansa at hindi na tayo nakapokus lang sa Estados Unidos.

Sa kanyang inilabas na pahayag, sinabi ni Senate President Sotto na tayo ngayon ay hindi na nakatuon lang sa Amerika sapagkat mas prayoridad na ng Pilipinas, sa ilalim ng Duterte administration, ang pakikipag-kaibigan sa lahat ng nasyon sa mundo.

Diin ni Sotto, sa pakikipagkaibigan sa Amerika, naging target tayo ng Japan noong 2nd World War.

Aniya, sa parehong araw nang bombahin ang Pearl Harbor, binomba tayo ng bansang Hapon sa Baguio at Clark.

Ayon pa sa Senate president, halos isang milyong katao ang namatay noong ikalawang digmaang pandaigdig at sa bakuran ng Pilipinas sila nag-away.

Sinabi ni Sotto na walang bansa na gustong pumunta sa giyera at ito aniya ang dahilan kung bakit ginagawa natin ang lahat ng posibleng paraan para maiwasan ito na mangyari.

Umaapila si Senate President Sotto sa media at sa sambayanang Pilipino na huwag basta patulan at paniwalaan ang mga sinasabi ng mga gustong siraan ang administrasyon. | ulat ni Jojo Ismael