SOGIE bill, sumalang na sa pagdinig sa Senado 

Sumalang na sa unang pagdinig ng Senate 18th congress ang Sexual Orientation and Gender Identity and Expression (SOGIE) bill.

Pinamunuan ng Senate Committee on Women, Children, Family relations and Gender Equality ni Senator Risa Hontiveros ang pagdinig na dinaluhan ng iba’t ibang grupong nagsusulong ng karapatan ng LGBTQ community.

Dito nadinig ang hinaing ng mga miyembro ng LGBTQ community, tungkol sa nagiging hindi pantay na pagtrato sa kanila ng ilan sa komunidad.

Isa sa kanila si Roi Galfo, miyembro ng LGBTQ plus Party list, na nakaranas ng diskriminasyon sa mismong palikuran ng senado.

Pag-amin nito, ilang beses na siyang nakaranas ng katulad na insidente na umabot pa sa pagkakaroon niya ng depression at pag-iisip na magpakamatay.

Ang ganitong mga insidente ang nais solusyunan ng mga mambabatas sa pagpapasa ng SOGIE bill.

Hiniling rin LGBTQ plus community sa mga mambabatas, na tulungan sila na maipakilala at maipaunawa sa publiko ang tungkol sa kanila.

Paliwanag ni Naomi Fantanos, presidente ng Ganda Filipinas, hindi natutukoy ang sexual orientation ng isang tao sa kanyang biological characteristics, kaya ang bawat isa ay may kalayaan na pumili ng kanyang kasarian.

Matatandaang matapos ang pakikipagpulong sa LGBTQ right advocates kagabi, nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na makikipagtulungan sa kongreso para maipasa ang SOGIE bill.