Social distancing, isa sa mga konsiderasyon sa Special Session ng Kamara

Kasunod ng pagpapatawag ng Special Session ng Pangulong Duterte ay pinaplantsa na ng liderato ng Kamara kung paano ipatutupad ang social distancing sa kanilang magiging pulong.

Ayon kay House Majority Leader Martin Romualdez, kanilang isinasapinal ang magiging panuntunan sa Special Session upang matiyak na masusunod pa rin ang social distancing at quarantine protocols upang maprotektahan ang mga kongresista, empleyado ng House of Representatives at maging media na dadalo sa Special Session.

Suportado rin ni House Minority Leader Benny Abante ang pagpapatawag ng Special Session. Aniya kailangan maipasa na agad ang P1.6-billion supplemetnal budget ng DOH gayundin ang iba pang economic stimulus package bilang tugon sa epekto ng COVID-19.

Una nang naglabas ng pahayag si House Speaker Alan Peter Cayetano na agad tatalima ang liderato ng Kamara sa panawagang Special Session ng Pangulo.