Small scale mining activity sa buong CAR, ipinahinto ni DENR Sec. Roy Cimatu

Ipinahihinto ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu ang operasyon ng mga small scale miners sa buong Cordillera Administrative Region (CAR).

Ang direktiba ay ginawa kasunod ng insidente ng landslide sa Itogon, Benguet na kumitil ng hindi bababa sa 40 minero matapos na malibing ng buhay sa Brgy. Ucab.

Apela ni Cimatu sa mga kinauukulan, makipag-tulungan sa ibinabang direktiba ng kanyang tanggapan sa pamamagitan ng pagtigil sa kanilang operasyon.

Babala ni Cimatu, handa siyang magpadala ng puwersa ng militar at pulis upang bantayan ang mga nasa small scale mining activities at matiyak na hihinto ang mga ito sa kanilang iligal na aktibidad.

Pagtiyak ng kalihim, magiging mahigpit ang pagpapatupad nila ng nasabing kautusan at titiyakin nilang walang makakalusot sa nabanggit na direktiba.   | ulat ni Alvin Baltazar