SM, inalok na rin ang malls nito sa ibang panig ng Mindanao na maging vaccination site

Inalok ng pamunuan ng SM Malls ang kanilang pasilidad para maging COVID-19 vaccination, sa ibang local government units (LGU) sa Mindanao.

Ito ang inilahad ni SM Supermalls Mindanao Regional Operations Manager Engr. Jonathan Nick Santos sa isang panayam.

Ayon kay Santos, bukod sa SM Lanang Premier at SM City Davao, inalok na rin nila ang pasilidad ng kanilang malls sa General Santos City, Cagayan de Oro City, Butuan at Zamboanga City.

Sinabi nito, na ang paglalaan nila ng lugar para maging vaccination hub ay parte ng kanilang adbokasiya, na mawakasan ang pandemya sa pamamagitan ng pagbabakuna.

Ikinagagalak umano ito ng kumpanya, na mapili rin na maging lugar ng bakunahan, dahil nagpapatunay ito na ligtas ang kanilang mga mall, at magiging komportable ang mga babakunahang indibidwal.

Kaya, ayon kay Santos, nakikipag-ugnayan na sila sa mga lokal na pamahalaan upang maipatupad ng maayos ang mga health protocol sa loob ng kanilang mga mall, habang ginagawa ang bakunahan.