Sitwasyon ng mga piitan sa buong bansa, patuloy na tinutugunan

Ginagawa na ng pamahalaan ang mga dapat na ipatupad upang tugunan ang kondisyon ng mga persons deprived of liberty (PDL) ngayong panahon ng pandemya.

Ang pahayag na ito ni Presidential Spokesperon Harry Roque ay sa gitna na rin ng panawagan ng pamilya ng mga political prisoners na magkaroon ng dayalogo ang mga otoridad upang gumawa ng mga hakbang laban sa COVID-19 sa mga detention facilities.

Ayon sa kalihim, inaaksyunan na ng gobyerno ang sitwasyon sa lahat ng mga piitan, hindi lamang para sa mga political detainees kundi para sa lahat, dahil pareho naman aniya ang pagtrato sa mga ito.

Sa kasalukuyan, mayroon aniyang dalawang programang ipinatutupad ng Department of Justice (DOJ), laban sa COVID-19. Sa Muntinlupa aniya ay mayroon nang mga isolation facilities ang itinayo.

Habang sa Board of Pardons and Parole naman ay mayroon ring programa na hangga’t maaari ay palalayain na ang mga kwalipikadong PDL upang maiwasan na ang siksikan sa mga kulungan.

Sa mga local detention facilities naman aniya, ang Department of Interior and Local Government (DILG), bukod sa mga binuksang isolation facilities, ay nakikipag-ugnayan na rin sa mga hukuman upang pabilisin ang pagpapalaya o pagdi-dismiss ng mga kaso ng maaari nang ma-dismiss.