‘Sit-down strike’ ng public school teachers, pinasimulan ngayong araw

Umarangkada na ngayong araw ang ‘sit-down strike’ ng mga guro sa pampublikong eskuwelahan sa Metro Manila.

Ayon sa Alliance of Concerned Teachers, 350 paaralan sa National Capital Region ang makikiisa sa anila’y ‘sit-down protest’ para sa umento sa sahod.

Gayunman papasok pa rin sa kani-kanilang classroom ang mga guro pero hindi sila magtuturo sa mga estudyante sa normal nilang mga subjects.

Ilan lamang sa 80 paaralan sa Quezon City na maaapektuhan ng sitdown strike ay ang Sta. Lucia High School sa J.P. Rizal, Sta. Lucia, Novaliches; Maligaya High School sa Ilang-Ilang St., Novaliches; Bonifacio Memorial Elementary School sa Brgy. Balintawak, Unang Sigaw Quezon City; at Ramon Magsaysay High School, Cubao.

Pinasimulan nila ang protesta mula alas-6:00 kaninang umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali.

Alas 8:30 hanggang alas-12:00 ng tanghali naman ang sit-down strike sa Gen. Roxas Elementary School sa Brgy. Roxas Quezon City.

Pagsapit ng alas-2:00 ng hapon susugod na sa Quezon City Hall grounds ang mga guro para sa huling yugto ng kanilang protesta.

Kasama din ang 42 public schools sa Caloocan, 30 sa Malabon, Mandaluyong, isa, Las Piñas – 40, Taguig at Pateros – 13, Makati – 13, Pasay – 40 at Maynila – 105 at sa iba pang lalawigan, na magpapakita ng kanilang suporta.

Iginigiit ng Alliance of Concerned Teachers sa pamahalaan ang umento sa kanilang sahod at karagdagan pang P3,000 sa tinatanggap nilang personnel economic relief allowance.  | ulat ni Rey Ferrer