Sistema ng pagpili ng bagong editor-in-chief ng pahayagan ng UP Diliman, umani ng pagbatikos mula sa mga estudyante

Kinondena ng mga student journalist sa University of the Philippines Diliman ang pag-disqualify ng board of judges ng College of Mass Communication sa dalawang Collegian writers.

Kaugnay ito sa ginagawang pagpili ng bagong editor-in-chief ng Philippine Collegian, ang pahayagan ng UP Diliman campus.

Dahil dito, nag-ingay at nagladlad ng mga banner ang mga estudyanteng mamamahayag sa harap ng Plaridel Hall kanina para tuligsain ang anila’y isa na namang atake sa freedom of the press.

Ayon kay outgoing Editor-in-Chief Sonny Afable, hindi isinama sa competitive exams sina Marvin Ang, manunulat sa Kultura at Malikhaing Pagsulat at Richard Cornelio, Features writer dahil umano sa kabiguang makatugon sa residency requirement.

Sinabi ni Afable na kauna-unahan ito para sa isang radical student paper na ang selection process ay ibinatay sa loose technicalities.

Isa itong malinaw na pagsikil sa kalayaan sa pamamahayag dahil nawawalan ng karapatan ang mga tunay na may kakayahan at kapasidad na pangasiwaan ang isa sa mga pinakamatandang pahayagang pang-campus sa bansa.

Maaari din aniyang maging ‘chilling effect’ ang nangyaring ito sa iba pang campus publication sa bansa. | via Rey Ferrer