Sinehan, bar, bawal pang buksan sa ilalim ng heightened GCQ — DILG

Nilinaw ni Interior Secretary Eduardo Año na ang mga leisure establishments tulad ng sinehan at bar ay bawal pa ring mag-operate sa mga lugar ng Metro Manila at kalapit lalawigan ng Bulacan, Cavite, Rizal, at Laguna kahit nasa ilalim na heightened General Community Quarantine ang mga lugar na ito simula May 15.

Bawal pa rin ang mga recreational venues, arcades, net cafes, at billiards habang ang mga amusement, parks, fairs, playgrounds, kiddie rides, casino, horse racing, cock fighting ay mahigpit ding ipinagbabawal.

Ilan pa sa mga aktibidad na hindi pinapayagan sa ilalim ng bagong quarantine classification ang mga outdoor contact sports, games, scrimmages, indoor sports, courts at venues para sa indoor tourism, in-person meetings, conferences, at exhibitions

Pero ang mga personal care services at outdoor tourist attractions ay maaaring mag-operate ng may 30 percent capacity.

Samantala, ang mga authorized persons outside residence (APOR) at essential travel ang pinapayagan lamang na lumabas sa NCR Plus bubble.