Sinasabing prescription sa tissue ng Ivermectin, pinaiimbestighan sa FDA

Iminungkahi ng Department of Health (DOH) sa Food and Drug Adnministration (FDA), na imbestigahan ang napaulat na pagbibigay ng prescription sa isang papel o tissue, upang mabigyan ng gamot na Ivermectin sa isinagawang ‘Ivermectin Pan-Three’ ng ilang mambabatas sa Quezon City.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, nakarating na sa kanya ang ulat na ang mga nakiisang mga doctor sa pamamahagi nina Representative Rodante Moraleta at Mike Defensor, ay hindi sa reseta isinulat ang prescription kung hindi sa isang pirasong papel o bond paper.

Ayon sa kalihim, malinaw ang pananagutan na ito, na ang doctor na nagreseta ang siyang sasagot sa kanyang ginawa.

Sa ilalim aniya ng batas, lahat ng reseta ay dapat naglalaman ng mga tukoy na detalye, tulad ng pangalan ng prescriber, address, propesyonal na numero ng rehistro, at tax receipt number.

Nakalagay din dapat ang pangalan, edad at kasarian ng pasyente sa prescription, maging ang date of prescription at iba pa.

Giit ni Duque, dapat sundin ang tamang prescription at hindi pwedeng token prescription lamang.

Binigyan diin naman ng kalihim, na walang ilegal sa pamamahagi ng Ivermectin kung ito ay nakapaloob sa dalawang exemptions na itinakda ng FDA.

Ang dalawang exemption ay ang pagbibigay ng compassionate special permit sa tukoy na ospital, at ang nasabing gamot ay dapat na inireseta ng isang doctor at pinagsama ng isang licensed pharmacist.

Aminado ang kalihim, na siya ay naalarma at nababahala sa nasabing pamamahagi ng gamot, at sinabing kailangan umasa base sa ebidensya at isang napatunayan na ulat tungkol dito.

Pinayuhan naman ni Duque ang mga nabigyan ng Ivermectin, na agad tumawag sa FDA sakaling makaramdam ng adverse effects.

Nauna nang sinabi ni FDA Director General Usec Eric Domingo, na ang pamamahagi ay dapat mayroong mga doctor na susuri sa mga pasyente at magrereseta ng mga gamot, na maipapamahagi nang maayos.

Samantala, nanawagan na rin ang Quezon City Health Department sa FDA at DOH, na gumawa ng isang malinaw na paninindigan sa kaligtasan at pangkalahatang paggamit ng Ivermectin, na isang anti-parasitic drug.